I'm a little bit of this and a little bit of that. I'm unpredictable, but I'm not scary. I can easily become a friend, but a lot more easier to become an enemy. Just don't harm my friends and family, and you won't get to see the bad side of me.

4th December 2011

Post

Mga Kaisipan ng Isang Estudyante

Habang ako ay nakasakay sa isang jeep papuntang Calamba, natiyempuhan kong mapatingin sa may Robinson. Nakita ko na naman si manang na laging nanlilimos doon. Hindi ako yaong tipo ng tao na nagbibigay ng limos, pero kada makikita ko sya, hindi ko mapigilang maawa. Matanda na sya; ang edad nya’y sapat nang bigyan sya ng titulong lola. Sa ganoong lagay niya, dapat ay nasa bahay na lamang sya’t nag-aalaga ng mga apo, nanonood ng telebisyon, o di kaya ay nagpapahinga na lamang habang nagmamasid sa mga kaganapan sa labas ng kanyang bahay. Subalit hindi ganoon ang ginagawa n’ya. Sa halip, nakaupo s’ya malapit sa may hagdan ng Robinson, nakalahad ang kamay at naghihintay ng isang kaluluwang mag-aabot sa kanya ng kaunting halaga. Bakit nga ba s’ya naroroon? Iyon ang lagi kong tanong sa aking sarili kada makikita ko s’ya. Kung tutuusin nga, iyon ang tumatakbo sa aking isipan kada na lamang may makikita ako na nanlilimos sa daan, mapabata man iyon o matanda. Bakit nga ba? Wala akong konkretong dahilan. Ang mayroon lamang ako ay mga haka-haka na nabuo lamang sa aking isipan. Nariyan ang isiping nagmula sila sa probinsya. Sa pag-aakala na giginhawa ang buhay nila sa siyudad, dumayo sila rito’t sinubukang magbagong buhay. Ngunit iba ang nangyari sa kanila. Sa halip na guminhawa’y lalo lamang silang naghirap, kung kaya’t kahit ang panlilimos ay pinasok na nila. Nariyan din naman ang isiping maaaring si manang o kung sino pa mang matanda na nanlilimos sa daan ay pinaalis na sa kanila. Dahil kailangang mabuhay, sila ay sumuong sa panlilimos. O di kaya’y mayroon silang sakit sa pag-iisip. Sila ay nawalay sa kanilang pamilya, nakalimot, napilitan na lamang manlimos para mabuhay ng isa pang araw. Hindi ko alam; marahil ay may punto ako, marahil ay wala. Pero sa tuwing makikita ko si manang, hindi ko mapigilang mag-isip. Paano nga ba ako makakatulong? Ano ang maaari kong gawin upang mabago ang ganoong sistema? Pero kasabay niyon ang aking pagsermon sa sarili. Ikaw, na estudyante’t wala pang nararating sa buhay, ay siguradong malilimutan si manang oras na makauwi ka. Oras na magsimula ang bagong araw. Naaalala mo lamang si manang at ang mga kagaya niya kapag nakikita mo sila. Malungkot mang isipin, pero totoo ito. At sa tingin ko, may mga tao talaga na ganito rin mag-isip.

==============================

Nang ako ay umakyat sa taas upang makinood ng telebisyon, natiyempuhan ko na ang palabas ay Reporter’s Notebook. Halos nangangalahati na ang palabas nang makita ko ito. Base sa nakita ko, ang dokumentaryo na tampok nila ay tungkol sa kakulangan ng mga kagamitan sa eskwelahan. Mapasilid-aralan ay kulang din. Base sa mga napanood ko, layon talaga ng mga departamento na may kinalaman sa edukasyon na palawigin ang badyet na nakalaan sa sektor na hawak nila. Hindi ko mapigilang mapangisi. Paano ba naman? Kung lalakihan nga nila ang badyet para sa edukasyon, pero marami pa rin sa mga opisyal natin sa gobyerno ang kurakot, walang saysay ang balak nila na iyon. Lalo lamang nilang palalakihin ang mga bulsa ng mga buhaya na nasa pwesto. At sa huli, dahil sa talamak na korupsyon sa bansa, mananatili pa rin na kulang ang mga gamit, kwarto at guro sa ating mga paaralan. Kung ganoon, lalo talagang hindi tataas ang kwalidad ng ating edukasyon. Kung tutuusin, hindi lamang ang ating edukasyon ang nanganganib dahil sa kakulangan sa pondo. Dahil sa mga gahamang nagbubulsa ng pera ng bayan, marami talagang sektor sa atin ang napapabayaan.

======================================

Mayamaya lamang ay nakapanood ulit ako ng isang dokumentaryo. Ngayon nama’y tampok ito ng I-Witness. Tungkol ito sa mga nangunguha ng ngipin ng mga patay. Mga taong nagbubukas ng mga puntod, kumukuha ng ngipin at binebenta ito upang mabuhay. Kitang-kita na kahirapan ang nag-uudyok sa kanila na gawin ang bagay na iyon na matuturing na pagnanakaw at kawalan ng respeto sa mga yumao na. Ngunit sabi nga ng isa sa mga na-interbyu, mas mabuti na raw iyon kaysa sa mangholdap sila o gumawa ng ibang mas karumal-dumal na gawain. May punto nga naman s’ya, ngunit sapat ba iyon para ipaglaban ang ginagawa nila?

Ayon sa isang propesor o guro mula sa isang unibersidad, sakit ng ating lipunan ngayon ang ganoon. Nawawalan na raw ng respeto sa awtoridad, sa tradisyon…tila baga iniisangtabi na lamang ng mga tao ito. Napaisip naman ako roon sa sinabi n’ya. Oo, totoo nga iyon. Dahil sa sobrang kahirapan, kung anu-ano na ang nagagawa ng ating kapwa. Pero para sa atin na nakatungtong ng kolehiyo, para sa atin na hindi man lamang yata nakaranas ng matinding paghihirap sa buhay, para sa atin na hanggang ngayon ay masasabing maalwan pa ang buhay…gaano nga ba kadali na iisangtabi ang respeto para sa mga bagay na dapat irespeto, kung buhay mo nga naman at buhay ng mga mahal mo ang nakasalalay sa desisyon mo? Kung tayo ba ang nasa posisyon ng ating mga kababayan na naghihirap ay masasabi pa ba natin ang mga ganoong bagay?

==============================

Sa huli’y babalik ako sa aking tanong. Ano nga ba ang maaari nating gawin upang mabago ang ganitong sistema sa ating bansa? Ano ang maaari nating gawin upang mabawasan na ang mga ganitong suliranin sa ating Inang Bayan? Mayroon nga ba talaga tayong kakayahan na magsimula ng pagbabago? O mayroon lamang tayong mga dahilan upang patuloy na talikuran ang mga problema na sa huli’y naaapektuhan at maaapektuhan din tayo?